Thursday, July 29, 2010

Pera O Porma?

Isang hindi magandang kaugalian na naitanim sa tin ng mga Kastila, eh yung isipin' na "Kung sino yung pa easy easy at nagkakapera, sya yung nakakabilib" kaya madami sa tin, ayaw maghanap buhay, o magtrabaho ng patas, kase nga mababa ang tingin dun sa mga naglalako ng taho, binatog, kakanin, tinapa, bibingka, yakult, sorbetes at kung ano ano pa, kesyo mahirap daw na gawain yun, mas madali magpataya ng karera o jueteng o mag-ipon ng tong sa tong-its at mahjong. Kaya kumonti na yung mga self-employed na naglalako ng puto o kakanin na home-made nila, na sa totoo lang ay malaki din ang kita, ikaw ba naman, masyado madadamage ang self-esteem mo sa pagtatrabaho ng patas, syempre masisira ang motivation mo.

Pero sa totoo lang, yung mga nakita ko nung araw na ganito yung trabaho, sila pa yung nakapagpundar ng bahay, napag aral yung mga anak, nakaipon. Siguro isa na din sa dahilan kaya tumigil na sila sa paglalako o ayaw na din sila pagtindahin ng anak nila kase nagtatrabaho na sa call center o kung saan man na medyo disente ang kita at syempre nakaporma. So pano kung ang ginawa nila ay kumuha sila ng Business Administration saka nila ini apply sa negosyo ng magulang nila? ano sa tingin nyo mangyayari?

Since, ikinahihiya mo yung kinabubuhay ng magulang mo, e di bahiran mo ng konting kasosyalan. Innovation! Yung kakanin na dati nakabalot sa dahon ng saging ilagay mo sa styro tapos lagyan mo ng plastic wrap sa ibabaw, dagdagan mo ng creativity, mag print ka ng sticker lagyan mo ng brand name halimbawa "Nanay's Kakanin". Since masarap naman yung kakanin ng nanay mo, kunin mo yung formula o recipe sa kanya, tapos mag hire ka ng ibang magluluto para di na mapagod yung nanay mo, since ayaw mo din magluto di ba, gusto mo "manager" ka, di bakit hindi mo imanage yung negosyo ng nanay mo, kesa imanage mo yung si Dyolibi na bibigyan ka lang naman ng 14thou isang buwan. Since maarte at maporma ka nga, maghire ka din ng magdedeliver, tapos lahat ng suki ng nanay mo ipakuha mo ang celphone number, para text text na lang kayo, i di ba, save ka pa ng time at energy. So kung puhunan nyo sa pagluluto ng puto eh nasa 400 pesos nakakagawa ng 10 na Bilao at benta per bilao eh nasa 200 din( syempre since may brand name ka na pwede ka na magtaas ng konti ng presyo) so gross profit mo per day eh nasa 1600, multiply mo sa 30 = 48,000/month, kaya mo ba kitain yan sa dyolibi o sa call center? At syempre since, magaling ka mag manage, next move mo ay expansion, hindi lang yung mga dating customer ng nanay mo ang bebentahan mo, lalawakan mo na yung teritoryo na pagbebentahan mo.

So same formula sa tinapa, since maamoy sya, e di ilagay mo sa microwavable na plastic container, kung taho naman, ilagay mo na sa cup, tapos tawagin mo ng english "SoyMilk" na sya, lagyan mo ng flavor.

Saan ba sa tingin nyo nagsimula yang Dolor's kakanin na yan, Collette's Buco Pie, etc, etc. Walang overnight success sa negosyo, lahat pinagtyatyagaan at pinagbubuhusan ng panahon at determinasyon. Kung totoo yung kwento ni Aristocrat na dati lang sila karinderya, hindi ka ba nai-inspire?

Magaling ka pala pumorma eh, eh di gamitin mo at ilagay mo sa lugar. Tignan mo yung mga chinese sa divisoria, mukhang gusgusin pag nasa tindahan nakasando lang, pero pag nasalubong mo sa mall mahihiya ka sa suot mo na Lacoste na galing Greenhills kase yung sa kanya orig. Ikaw naka-taxi sya nakakotse. Siya naka Blackberry ikaw naka-Blackberry din, china phone nga lang, siya na chinese hindi gumagamit ng China Phone. O nakasabay mo kumain sa soyal na restaurant, pansinin mo kung nagtatanong sila sa waiter kung ano pinakamurang pagkain?

Wednesday, July 28, 2010

Ang Mahiwagang Bente

Gaya ng sa commercial, ano mabibili ng bente pesos mo? Pupunta ka sa disco at sasayaw sa ilalim ng flashlight habang nagbi beat-box yung bouncer ng tugs! tugs! tugs!?O Ibibili mo na lang ng Ice Cream?

Halimbawa, nakasalalay ang survival sa natitira mong bente pesos? ano gagawin mo?

Pero ang scenario, meron pa naman kayong bahay, bulok na refrigerator, may kamag-anak ka pa, may mga kapitbahay, at madaming maliit na batang makukulit sa paligid.

Eto ang simpleng storya ng mahiwagang bente, sa maniwala kayo o sa hindi ay totoo at nangyari sa totoong buhay.

Wayback 2003, nagtrabaho ako sa fastfood chain para may baon nung college, nung natapos ang contract ko, so pano na? wala ako babaunin sa school, nasobrahan sa luho at pagbili ng mga bagay na hindi naman pala importante, nood ng sine, date, etc.

Lumipas ang mga araw ang natira 100 pesos na lang, lumipas ang dalawang araw, 40 pesos per day, 20 na lang ang natira, sakto ng friday, sabado kinabukasan. Inuman ng gabi, sagot ng barkada ko, Gin saka Pomelo. (uso dati yun), nakita ko yung Tang Litro Pack, tapos nung bumili kame sa tindahan, naisip ko bumili ng plastic ng ice candy, gumawa ako ng ice candy gamit yung isang litro pack, para pang tanggal ng hang-over kinabukasan.

Tang Litro Pack na 7 pesos lang nun, at 11 pesos lang yung plastic ng ice candy, 2 pesos na asukal pangpapatamis, kase pag malamig na, nababawasan ang lasa kaya kailangan mo dagdagan ng asukal. So nakagawa ako ng mga 30 pcs, iniwan ko sa ref para magyelo.

Kinabukasan nagising ako ng 11 AM, pagtingin ko, wala na yung ice candy, binigay ng lola ko yung napagbentahan sa kin, akala nya daw paninda, hehe. So sabi nya, gawa pa daw ako ng marami kase may mga naghahanap. So bumili ulit ako ng 3 litro pack, saka additional na plastic ng ice candy, saka asukal, yung 20 naging 30, tapos yung 30 pesos nakagawa ng 90 pcs na ice candy, then bumili na din kame ng plastic ng yelo. per day, secure na yung 40 pesos na baon sa school pero hindi dun nagtapos.

Ang next scenario? Naging milyonaryo ko at naging Lucio Tan sa pagbebenta ng ice candy. Joke!!!

So bale yung kinita ng pagbebenta ng yelo at ice candy habang tumatagal, sininop ng tito ko, tapos nung mga nasa 1000 pesos na sya, pumunta kame ng Puregold Tayuman, nung time na yun, madami na din nabibili yun. Inumpisahan namin sa fast-moving gaya ng Lucky me pancit canton, noodles, shampoo, corned beef, sabon panglaba, sabon pangpaligo, kape at coffeemate na naka sachet, itlog, bawang, paminta, asukal na tingi, vetsin, tang Litro Pack, Emperador, Gin, Sigarilyo basta mga pang araw araw na ginagamit.

Pansinin nyo, bakit walang sardinas, chichirya, gatas na de-lata, candy at iba pang classic na nilalagay sa sari-sari store?

1. Ang sardinas ay pagkain pang mahirap nung araw, at mura, madali i-prepare, kaya hit sya nung bandang 70s at 80's, pero nung 90's at year 2000 ay nalaos dahil na mura na ang corned beef. Sa corned beef kase, pag nilagyan ng sabaw, ilang tao na kakain, and sardinas, swerte na magkasya sa dalawang tao, saka mahal na rin sya, dagdag ka lang ng konti may corned beef ka na.

2. Maliit na ang mark-up o tubo sa chichirya, sa isang supot, tutubo ka ng 3 to 5 pesos lang.

3. Gatas na de-lata, nung araw, basic need ng tao na may gatas panglagay sa kape, nalaos sya nung nauso ang coffee mate, so slow-moving na ang kategorya nya, maganda din ang mark-up sa cofffee-mate, 1.75 yung puhunan, 2.50 ang bentahan, so .75 cents/pc, sa 30 tao na bibili sa isang araw 22.50/day sa gatas na de-lata, 3 pesos lang, swerte pa kung may bumili nyan ng isa o dalawa sa loob ng 1 week.

4. Candy, gaya ng chichirya, hindi na rin maganda ang tubo sa candy, bukod sa hindi na masyado nagke-candy ang tao ngayon. pampaganda na lang sila ng presentation ng tindahan.

So dapat, obserbahan din natin ang buying behavior ng consumer bago bumili ng ilalagay sa tindahan o sari-sari store. So i address ang basic needs, maski mukhang yagit ang tindahan mo, sa yo pa din bibili lalo na kung reasonable ang presyo at hindi presyong Puregold(ginto ang presyo).

In 3 weeks ng operation ng sari-sari store, ayun, nadagdagan ng function yung bulok na refrigerator na dati ice candy at yelo lang ang laman, nasinop ulit yung napagbentahan, tapos kumuha naman ng RC Cola, since sya ang pinakamura at fast-moving na softdrinks, kasama na yung fruit-soda, pang masa kase, so yung coke, at iba pa, later na namin nilagay nung may nagrerequest na lang. Malakas yung RC cola kase nagyeyelo, kasi nga malakas magyelo yung refrigerator kahit luma, tinigil na din pala yung pagbebenta ng yelo at ice candy kase para magamit yung space. Sa RC 2 pesos yata mark-up, so sa isang case, tutubo ka ng 48 pesos, pwera pa sa fruit soda, e di palagay mo tag isang case, daily may net profit ka na 96 pesos, secure na yung pagkain nyo.

After 2 days, Alak naman, Red Horse, San Mig Light, dahil nga sa malakas din ang benta, may credit line na sa supplier, at delivered na, kase napansin pabalik balik, at paisa-dalawang case lang, so nung may credit line na, kung ilan yung average na nabebenta sa isang araw, yun na yung hinahatid, Ang maganda sa alak, dahil isa syang bisyo, regular may customer ka, pustahan, hindi lilipas ang araw na walang bibili ng alak, case-case pa.

So palagay mo na, average na kita ng sari-sari store eh nasa 800 to 1000 pesos, na nasa bahay ka lang, ayaw mo pa ba nun?

Ano na nangyari sa tindahan? iniwan ko na sa kanila, Awa ng Diyos, andun pa din sya, dahil may mga nagtayo na din (gaya-gaya talaga), medyo humina, pero sapat pa din sa pang gastos ng isang pamilya yung kita nya sa isang araw kung basic needs lang. At ang Tiyuhin ko na nagbabantay dati nung tindahan, may taga-bantay na kase nagswitch na sya sa pagpapautang ng 5-6.

So ngayon, alam mo na pwede marating ng bente pesos mo ha?

Yan ang practical application nung una ko tinalakay, Skill + Money (20 pesos) + Pagsisinop ng kita + Pag identify ng demand= 800 to 1000 pesos per day net profit.

Thursday, July 15, 2010

Parang Sugal nga ba ang Negosyo?

Madalas, hinahalintulad sa sugal ang pagnenegosyo, dahil karaniwan tila ba walang kasiguruhan ang pagpasok dito. Madalas sa hindi, nakikita natin ang mga kakilala natin na sumubok at bandang huli ay nalulugi kaya nakukuntento na tayo sa pagiging empleyado, "at least may regular income ba".

Tama po ba ang isiping ito? Para sa akin, ito po ay katwiran ng ignorante, (pasensya na po pero totoo po ito). Bakit malakas ang loob ko sabihin ito? Dahil po malayong malayo sa pagsusugal ang pagnenegosyo, nagiging parang sugal lamang ito, kung basta basta tayo papasok ng hindi muna natin pinag aralan o kulang sa plano.

Pero kung ang isang negosyo ay napag aralan at napagplanuhan, liliit ang tsansa ng pagkalugi o "risk". Kung planado ang lahat at alam mo kung ano ang gusto mo pasukin at ang gusto mong puntahan, malulugi ka ba? Pwede, pero hindi siguro dahil mali ang ginawa mong pagpasok sa negosyo, napagplanuhan nga at napag aralan eh, baka dahil mali ang pagma-manage natin sa ating sarili mismo gaya ng pag-gastos ng higit sa ating kinikita na madalas sakit din ng marami. Konting nakahawak ng pera - upgrade ng lifestyle, upgrade ng bisyo, upgrade ng kayabangan so ang resulta, nagagamit mo yung puhunan mo sa ibang bagay ng hindi mo namamalayan, at presto- bankruptcy ang resulta o kumbaga sa sugal ay natalo pati ang pato at panggulo.

Tuesday, July 13, 2010

Negosyo, Paano kita Sisimulan?

Kadalasan gusto natin pumunta sa isang lugar, alam natin ang gusto natin puntahan, pero ang pinakamahirap na parte ay kung paano tayo magsisimula, ang sumusunod po ay step by step na gabay para maunawaan natin ang mga bagay na kakailanganin natin bago tayo lumarga o pumalaot sa larangan na gusto natin pasukin, ang pagnenegosyo o business.

Maaaring iniisip nyo na ang mga ito ay narinig nyo na sa iba, alam nyo na noon pa, pero mag isip po tayo, kung alam nyo na to, bakit pa tayo nag reresearch sa internet tungkol sa business at napunta kayo sa blog na ito kung alam nyo na lahat ng dapat nyo malaman, isang bukas na isipan at malalim na pagtalakay sa mga sumusunod, mga praktikal na diskusyon para higit natin maunawaan ang mga simpleng bagay na di natin alam na isa pala sa pinakaimportanteng elemento ng pagnenegosyo, simulan po natin sa pinakaimportanteng elemento, ang puhunan.

Puhunan/Kapital


May negosyo bang walang puhunan? Wala po, yung kasabihan na "laway lang ang puhunan" may puhunan pa din yun yung laway ng ahente o salesman.


Mga Tanong: San tayo kukuha ng puhunan? Magkano ba ang kaya nating ipuhunan? O ano ang pwede nating ipuhunan?

Sagot: Lahat po ay pwede ipuhunan, ang pinakahuling pwede mong ipuhunan ay pera, kung wala ka man lang alam gawin sa buhay mo.

Paano nangyari yun? Narito po ang mag tinutukoy kong puhunan.

Kakayahan/Skill/Talento - kung marunong ka mag gupit ng buhok, magkarpintero, mag drowing, magluto, mangbola, mang uto, magmaneho, magplantsa, maglaba, magsulat, mag manicure, mag pedicure, makinig(counseling), manghula, magpatawa, etc. etc. lahat po ito ay pwedeng ipuhunan, pag isipan lang po natin kung paano gagamitin ang mag simpleng kakayahan na iniisip natin na parang walang halaga, lahat po ito ay pwede natin magamit para makapagsimula ng negosyo, ang atin pong sarili ang pinakamagandang kapital para magsimula ng negosyo o kabuhayan. Masyadong simple di po ba? Sayang at kulang ang space para matalakay, pero pagkabasa po ninyo ng artikulong ito, pag isipan nyo, "Ano ba ang kaya kong gawin?" yun po ang pinakamagandang negosyo para sa inyo.

Lokasyon/Tirahan- madalas pumapasok sa isip natin, ano kaya magandang gawin dito sa extrang space sa bahay ko? Yes! sari-sari store!!! at sabay tatawa ng malakas "Hahaha, isa akong henyo" ngek, napakasimple naman nyan at pinag isipan mo pa magdamag, makakaaway mo pa yung kapitbahay mo sa tapat na may sari-sari store din. Kidding aside, isa po ito sa sakit ng Pilipino, ang pangogopya ng negosyo ng kapitbahay, hanggang ang buong komunidad nila ay magkakatapat na sari sari store na. Kung Banana Que yung isa at kumikita, lahat Banana Que na. Mag isip naman po tayo ng iba, yung unique pero hindi komplikado at aakma sa pangagailangan ng komunidad, sabi nga ng isang magaling na tao "Kung gusto mo maging matagumpay, wag mo na gawin yung ginawa na ng iba" . Mag isip po tayo, balikan natin ang "law of supply and demand" ano ang pangangailangan ng ating komunidad? bakit ka pa lalayo para magnegosyo kung sa sarili mong lugar pwede ka na kumita, ang kailangan lang, masusing pag aaral, obserbasyon, imahinasyon, at isang matibay na plano. Hindi ko po isusubo lahat sa inyo, kailangan nyo din mag isip, dahil iba iba ang pangagailangan at kakayahan ng bawat isa sa atin.

Pera bilang kapital- Kadalasan, di natin naiiisip na inegosyo ang pera kung marami pa ito, naiisip lang natin kapag paubos na o konti na lang, "Ilagay ko nga Time Deposit nga sa bangko, interest pa lang buhay na ko", tama yun, nung araw, o kung 10 Million yung time deposit mo, interest pa lang buhay na, eh kung 50,000 lang, swerte ng kumita ng 300 pesos ang pera mo every 3 months, kaya ka ba buhayin nun? Pinapautang mo lang ang pera mo kay BPI, kay Metrobank, kay BDO, di ka naman binibigyan ng share ng kita nila sa pera mo, interest na barya? ano gagawin mo dun?

So paano ginagamit ang pera? Yan ang malaking tanong na susunod po natin tatalakayin.


Negosyo para sa Simpleng Pilipino

Ang layunin po ng blog na ito ay gabayan ang mga pangkaraniwang mamamayang Pilipino para gamitin ng wasto ang kanilang pinaghirapang ipuning salapi at kung paano gamitin ang sarili nilang kakayahan para umasenso ng kaunti. Kaunti po lamang, wala po akong ituturong magic para maging susunod na Lucio Tan kayo o Henry Sy. Mga simpleng payo at gabay para kahit papaano mabawasan ang "risk" ng pagkalugi o pagkalustay ng pinaghirapan nyong pera sa walang kabuluhang mga bagay.


Karaniwan sa ating mga Pilipino ay nangangarap magsimula ng maliit na kabuhayan pero hindi natin alam kung paano sisimulan kaya madalas kumokunsulta tayo sa mga tao na tingin natin ay mas nakakaalam kesa sa atin, ang resulta, - scam, negosyong mahina ang pundasyon, pagpasok sa multi level marketing/pyramiding scheme na di naman natin naintindihan, pagkalugi sa maling investment.


Madalas pag nangyari ito, nagtatanong tayo, "Saan ako nagkamali?" ang palusot ng business expert kuno, "Sir, Mam, kulang po kase kayo sa tyaga, sana sinipagan nyo pa para di kayo nalugi", kundi lang masama manampal ng tao, malamang nasampal nyo sya, pero huli na, wala na kayong pera, ang natitira na lang ay ang kahoy na Foodcart na may tarpaulin, mga kawali, kalan, etc. etc, na nakatambak sa likod bahay o sa tapat ng bahay. Ilalagay nyo "For Sale Foodcart" after ilang months papalitan nyo ng paskil "For Sale Panggatong". At least napakinabangan nyo yung kawali, at yung kalan, pwede nyo dalhin pag may outing.

Bago naging talamak ang Franchising, at bago ito na exploit, naisip ko na ang konseptong ito, mag conceptualize ng foodcart business, ibenta ang franchise sa mga ignoranteng OFW, retiree, mga may sobrang pera na di alam kung paano gagastusin. Samantalahin ang kawalan nila ng alam sa negosyo, gumawa ng pekeng feasibilty study at i present sa seminar sa isang kwartong punong puno ng biktima, este potential franchisees pala.

Pero di ko pala kaya, so nagdesisyon ako ibasura yung project, at nag isip ako ng ibang pagkakakitaan na di ko kailangan manglamang ng kapwa. At kahit papano kumita naman ako ng disente sapat sa pangagailangan ng pamilya, nakakapagtabi ng paunti unti para sa kinabukasan, na lahat naman siguro sa atin ay yun ang layunin kaya gustong pumasok sa negosyo.

Ngayon gusto ko ishare sa inyo ang maliliit pero praktikal at kapaki-pakinabang na mga business advice ng walang bayad. Natutunan ko ng libre base sa experience, ipapamahagi ko ng libre. I click lamang po ang mga susunod na post ng inyong lingkod para mas detalyadong pag uusap tungkol sa negosyo.